PAROKYA NG SAN JOSE MANGGAGAWA
Blk C1A Lot 5 Brgy. Nicolasa Virata, Gen. Mariano Alvarez, Cavite 4117
Tel. No. (02) 868-2010

ANG KASAYSAYAN
Noong 1968, nagpatupad ng kautusan ang pamahalaan na linisin at bakantehin ang Quezon Memorial Park sa Diliman, Quezon City, mula sa mga ilegal na residente at konstruksyon. Kaugnay nito, inilipat ang mga umookupa ng nasabing lugar sa Carmona Resettlement Project sa bayan ng Carmona, Cavite, na nasa pamamahala ng People’s Homesite and Housing Corporation (PHHC) na siyang nakabili sa lote noong 1961. Bahagi ng nasabing resettlement site ang Area A at B ng noo’y Barangay San Jose. Nang malaon, inilipat ang unang pitong (7) pamilya sa resettlement site noong Hulyo 3, 1968.
Bahagi ng resettlement area ang isang ecumenical site, lugar na inilaan ng Presidential Assistant on Housing and Resettlement Agency (PAHRA) para pagtayuan ng bahay-dalanginan ng iba’t-ibang sekta ng pananampalataya. Ang loteng inilaan para sa simbahang Katoliko ay may kabuuang sukat na 2,500 square meters. Ang nasabing lugar ay inihanda ng 514th Engineering Construction Battalion ng 51st Engineering Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Tulung-tulong ang mga pinuno at residente ng San Jose upang maitayo ang noo’y kapilya pa lamang na yari sa sawali, kahoy at yero. Ang mga materyales na ito ay nanggaling pa mula sa lumang kapilya ng Barangay San Isidro, Galas, Quezon City.
Sa sumunod na taon, partikular noong unang Linggo ng Mayo 1969, idinaos ang unang kapistahan ng San Jose bilang isang barangay na inialay kay San Jose Manggagawa, ang itinuring na ama dito sa lupa ng ating Panginoong Hesus. Si San Jose ay pinili ng yumaong gobernador ng Cavite na si Delfin N. Montano upang maging patron at huwaran ng mga mamamayan sa lugar, lalo na at karamihan sa kanila ay mga manggagawa.
Agosto 1970 nang isinailalim ang kapilya ng San Jose Manggagawa sa pamamahala ng Parokya ng Banal na Mag-Anak, na pinangunahan ng noo’y kura paroko na si Reb. Padre Ramiro Canaval.
Sa pamamahala ng lokal na yunit ng Catholic Women’s League (CWL) ay unti-unting naitayo ang unang kongkretong simbahan simula 1971, gamit ang mga materyales na donasyon mula sa iba’t-ibang ahensya at sektor ng lipunan. Unang ginawa ang main altar at ang sakristiya na siya ring nagsilbing silid ng mga paring dumadalaw sa San Jose. Nang malaon ay pinadugtungan na lamang ang nasabing istruktura upang makaugma sa pamumuhay ng mga mamamayan ng lugar.
Ang Share and Care Apostolate for Poor Settlers ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), na pinamunuan noon ng direktor na si Obispo Mariano Gaviola ng Military Ordinariate ng Pilipinas, ay nagdala ng tulong sa San Jose noong 1973 at nagpagawa rin ng kumbento na siyang tirahan at pahingahan ng mga paring nakatalaga sa simbahan.
Noong Abril 1975, itinaas ang estado ng San Jose Manggagawa bilang isang quasi-parish sa ilalim ng pamamahala ng mga paring Heswita na kabilang sa Society of Jesus. Nakatalaga noon bilang paring tagapamahala si Reb. Padre Amado S. Cruz, S.J. Itinayo naman noong 1977 ang Parish Multi-Purpose Hall, isang Marcos-type building na ginawa sa pagitan ng simbahan at kumbento.
Hindi nagtagal at nilisan ng mga Heswita ang San Jose noong 1978, at pumalit naman sa kanila ang mga paring mula sa Diyosesis ng Imus. Dahil dito, nagkaroon ng pagbabago at reorganisasyon sa parokya.
Dumating ang Abril 1978 kung kailan naging ganap na parokya ang San Jose Manggagawa, at idinaos ang unang kapistahan nito bilang isang parokya noong unang Linggo ng Mayo 1978.
Taong 1978 din nang simulang ipaglaban ng mga residente ng Carmona Resettlement Project na sila ay maging hiwalay na bayan. Hindi sila nabigo sa kanilang adhikain dahil noong Marso 14, 1981, ay pormal na pinasinayaan ang lugar bilang bayan ng General Mariano Alvarez (GMA), na ipinangalan sa isang magiting na heneral ng Cavite na naging pinuno ng Sangguniang Magdiwang sa Katipunan. Noong Hunyo 22, 1985, sa bisa ng mga naipasang batas, muling hinati ang buong GMA sa 27 barangay. Dahilan dito, ang lugar na nasasakupan ng Parokya ng San Jose Manggagawa ay nahati sa anim (6) na barangay: ang Brgy. Francisco Reyes, Brgy. Gregoria de Jesus, Brgy. Nicolasa Virata, Brgy. San Jose, Brgy. Teniente Tiago at Brgy. Francisco de Castro.
Sumapit ang taong 1985 kung kailan nagkaroon ng kahilingan ang mga residente ng Brgy. F. De Castro, partikular sa subdibisyon ng Sunshine Homes, na magkaroon ng regular na pagdaos ng Banal na Misa sa kanilang lugar. Nang malaon ay idinaos ang unang misa sa Sunshine Homes, at noong Mayo 1986, ginanap ang unang kapistahan sa lugar na inialay sa kanilang patrona, ang Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay (Our Lady of Peace and Good Voyage).
Noong 1989, isinailalim ang parokya sa pamamahala ng Kapatirang Capuchino sa Pilipinas. Naging unang kura paroko na Capuchino si Reb. Padre Mateo O. Goldaraz, OFMCap., katuwang si Reb. Padre Reynaldo “Rene” J. Papa, OFMCap. Hulyo ng taon ding iyon nang itinatag ang San Jose Manggagawa Catechetical Center (SJMCC) sa pamumuno ni Fr. Mateo at ng mga katekista ng parokya. Nang malaon, muli itong pinangalanan bilang San Jose Manggagawa Catechetical and Learning Center (SJMCLS). Sa kasalukuyan, ang paaralan ay kilala bilang Padre Pio Child Development Center (PPCDC) na ipinangalan sa kadakilaan ng santong Capuchino na si Sto. Padre Pio ng Pietrelcina.
Sumailalim sa renobasyon ang harapan ng simbahan at nilagyan ito ng bagong kampanaryo noong 1990.
Dahilan naman sa matinding debosyon ng mga residente ng Casa de Monteverde, Brgy. F. De Castro, sa Birhen ng Peñafrancia ay idinaos noong Setyembre 1992 ang enshrinement o pagdambana ng pilgrim image ng Mahal na Birhen na ibinigay ng mga mananampalataya mula sa Naga City, Camarines Sur. Ipinagawa ang isang kapilya sa lugar bilang pagpupugay sa Birheng Maria.
Patuloy na tumaas ng bilang ng mga mananampalataya sa parokya, kaya noong 1994 ay sinimulan ang konstruksyon ng kasalukuyang istruktura ng Parokya ng San Jose Manggagawa. Ito ay sa ilalim ng pamamahala ng noo’y kura paroko na si Reb. Padre Rodolfo “Rudy” C. Senilla, OFMCap., kasama si Reb. Padre Hilario “Larry” P. Kapitbahay, OFMCap.
Mahalaga ang taong 2000 dahil sinimulan noon ang konstruksyon ng San Jose Manggagawa Parish Center. Sa taon ding ito ay ibinalik ng noo’y kura paroko na si Reb. Padre Zacarias Parra, OFMCap., ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose Manggagawa mula sa unang Linggo ng Mayo tungo sa unang araw ng Mayo (Mayo 1) bilang pagsunod sa kalendaryo ng liturhiya ng Simbahang Katoliko. Taong 2000 din nang itinatag ang Our Lady of the Miraculous Medal Chapel sa Mandarin Homes I, Brgy. F. De Castro, bilang tugon sa kahilingan ng mga residente ng nasabing subdibisyon. Idinaraos ang kapistahan ng lugar tuwing ika-27 ng Nobyembre.
Mayo 2003 nang ipagdiwang ng Parokya ng San Jose Manggagawa ang ika-25 anibersaryo ng kanyang pagkakatatag bilang parokya sa pamumuno ni Reb. Padre Uldarico C. Camus, OFMCap., bilang kura paroko. Kaugnay nito, pinasinayaan ang bagong tanggapan ng parokya at ang Padre Pio Hall na ginagamit ngayon bilang lugar-tipunan para sa aktibidad ng mga organisasyong pansimbahan.
Upang maipalaganap ang debosyon sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo, sinimulan noong 2005 ang pagganap ng Banal na Misa tuwing Miyerkules sa parokya (para sa mga taga-Metro San Jose) at sa Our Lady of Peace and Good Voyage Chapel (para sa mga residente ng Brgy. F. De Castro).
Alinsunod sa Diocesan Pastoral Priorities for Evangelization (DPPE) na itinadhana ng Diyosesis ng Imus, pinalakas noong 2006 ang Parish Pastoral Council (PPC) sa ilalim ng isang bagong istruktura na pinamunuan ni Reb. Padre Royce Andres M. Quintillan, OFMCap. bilang kura paroko. Naging aktibo ang pakikiisa ng mga manggagawa ng simbahan na umanib sa iba’t-ibang mga ministri ayon sa kaloob na ibinigay sa kanila ng Espiritu Santo.
Nagbagong-bihis ang altar ng simbahan noong 2011 nang muli itong pinturahan at lagyan ng bagong disenyo, kasama na rin ang pagpapalit sa imahe ng Panginoong Hesus sa gitna nito. Bilang paghahanda at pakikiisa sa pagdiriwang ng Ginintuang Jubileo ng Diyosesis ng Imus, muling binago ang istruktura ng Parish Pastoral Council alinsunod sa mga kautusang ipinalabas para rito. Inihalal noon ang mga kasapi ng Steering Committee na siyang nagtatakda at namamahala sa mga gawaing pansimbahan magpahanggang ngayon.
Ngayong 2012, pinagtibay ng Parish Pastoral Council ang vision-mission statement ng parokya na nagsasaad ng mga adhikain ng simbahan sa mga susunod na taon. Agosto ng taong ito rin nang simulang ganapin ang Banal na Misa sa wikang Ingles bilang paghahanda sa sambayanan sa Bagong Orden ng Misa na ipinalabas ng Vatican at sisimulang gamitin sa unang Linggo ng Adbiyento, buwan ng Disyembre. Binago rin ang oras ng pagdaraos ng Misa sa araw-araw mula ika-5 ng hapon tungo sa ika-6 ng umaga. Mayroon ding mananampalataya na nagbigay ng imahen ni Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang donasyon, dahilan upang simulang ganapin ang lingguhang nobena para sa Kanya tuwing Biyernes.
Sa kasalukuyan, patuloy na lumalago ang buhay-espirituwal ng Parokya ng San Jose Manggagawa bilang isang Katolikong komunidad. Pinaghahandaan na ng sambayanan ang kanyang ika-35 anibersaryo sa susunod na taon – isang malaking pagdiriwang sa katapatan at patnubay ng Diyos sa Kanyang bayan sa Metro San Jose, at pasasalamat sa mga biyayang kaloob ng Dakilang Lumikha sa pamamagitan ni San Jose Manggagawa